Patay sa sunog ang mag-asawa at tatlo nilang mga anak sa sarili nilang tahanan sa bayan ng Pozorrubio, Pangasinan bandang madaling araw ngayong araw.
Ayon kay SF04 Randy Fabro, ang acting municipal fire marshal ng Bureau of Fire Protection Pozorrubio, kinilala ang mag-asawa bilang sina Mark at Dixie Villanueva at kabilang sa mga nasawi ang tatlo nilang mga anak na may edad 6 taong gulang, 2 taong gulang at isang taong gulang.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, sa garahe ng kanilang bahay ang pinagmulan ng sunog na hinihinalang dahil sa kuryente kung saan maaari umanong mayroong appliances na hindi na-pull out.
Ayon pa kay SF04 Fabro, magkakayakap ang limang mag-anak nang kanila itong matagpuan.
Dagdag pa nito na na-trap ang mga biktima sa kanilang attic, dahilan kung bakit hindi na nagawa ng mga itong makalabas ng kanilang tahanan.
Umaabot aniya sa humigit kumulang 9 milyon ang danyos na naitala mula sa sunog at mayroon pa umanong dalawang kabahayan ang nadamay. Gayunpaman wala namang naitalang nasawi mula rito.