DAGUPAN, CITY- Patuloy ang isinasagawang paghahanap sa katawan ng 38 anyos na lalaking kasalukuyang nawawala matapos umano nitong malunod mula sa pagliligtas nito sa mga batang kapamilya niya sa bayan ng Binmaley, Pangasinan.
Ayon sa panayam kay Alfred Soriano, kapatid ng nawawalang biktima, nasa kalagitnaan sila ng selebrasyon ng ika-65 na kaarawan ng kanilang lola nang maisipan nilang magtampisaw sa dagat ngunit hindi naman nila inaasahan na mapapalayo sa kanila ang mga bata.
Rumesponde umano ang kuya ni Alfred ngunit hindi nito kinaya ang lakas ng hampas ng alon kung kaya’t siya naman ang natangay at kasalukuyan pang pinaghahanap.
Hindi na napigilan ng kapatid ng nawawalang biktima na maging emosyonal nang kaniyang ibahagi ang buong kaganapan sa nangyaring insidente.
Maliban dito, nakapanayam din ng Bombo Radyo ang ama ng biktima at sinabing mabigat ang kaniyang damdamin sa nangyari ngunit hindi niya kayang umalis sa lugar kung saan naganap ang insidente hanggat hindi nahahanap ang anak.
Samantala, isinugod naman sa ospital ang nanay at ang tito ng biktima matapos mahimatay dahil sa labis na pighati.
Hiling na lamang ng pamilya sa publiko na makiisa sa panalangin na maisakatuparan ang kanilang hiling. Umaasa parin silang matatagpuan nilang buhay ang lalaki.