DAGUPAN, City- Nagbunyi ang mga avid fans ng South Korean team sa pagpasok ng kanilang pambansang koponan sa round of 16 ng FIFA World Cup 2022 sa Qatar matapos talunin ang Portugal sa score 2-1.

Ayon kay Bombo International Correspondent Aluh Abendan mula sa South Korea, sa kabila man ng mababang temperatura ngayon sa nabanggit na bansa, ay matiyagang nag-abang ang mga ito sa laro laban sa Portugal sa kanilang laban.

Aniya, hindi inalintana ng mga tao roon ang lamig dahil talagang isa ang football sa mga inaabangang sports sa South Korea gaya ng sa Taekwondo.

--Ads--

Marami rin umano ang nag-alay ng dasal at pagsuporta mula sa mga Koreans para na rin sa tagumpay ng kanilang mga manlalaro.

Isa rin umano sa magandang katangian ng mga tagahanga ng nabanggit na team na sa kabila man ng pagkabigo ng kanilang team sa mga laban ay hindi nila sinisisi ang mga manlalaro bagkus sila ay nakikiramay dito.

Bukod pa dito, nagsisilbing aliw din ngayon ang FIFA World Cup sa maraming mga Koreans matapos ang nangyaring trahedya sa Itaewon kamakailan na ikinasawi ng higit 100 indibidwal.

Samantala, malaking karangalan din para sa South Korea ang makaharap ang Brazil sa laro sa round of 16 at anuman umano ang resulta nito ay mananatiling nakasuporta ang mga mamamayan sa kanilang koponan.