DAGUPAN, CITY – Itinuturing na “tragic day” ni Mayor Mary-Ann Baldwin ang nangyaring shooting insident sa bahagi ng Neuse River Greenway sa Raleigh, North Carolina na ikinasawi ng 5 katao at pagkasugat ng 2 iba pa.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Isidro Madamba Jr. mula sa California USA, ikinalungkot ng naturang lider ang nangyari lalo na at kabilang sa mga nadamay ang ilang mga sibilyan at 2 mga pulis kung saan ay 1 dito ang kabilang sa mga nasawi.
Aniya, makikita umano sa naturang Mayor ang kanyang emosyon sa pagharap sa mga press at ipinanawagan na matigil na ang walang habas na mga insidente ng pamamaril sa kanilang bansa.
Hindi pa naman inilalahad ngayon ng mga kapulisan ang motibo ng binatilyong suspek sa kanyang pammaril na nahuli matapos naman ang 3 oras na negosasyon sa kanya.
Matatandaang ang nabanggit na crime scene ay kilalang mataong lugar kung saan marami umanong tao ang nagpupunta upang mag-jogging at mamasyal sa magandang tanawin sa naturang parke.
Sa kasalukuyan ay nasa 531 mass shootings na ang naitala sa Estados Unidos.