DAGUPAN CITY – Tiniyak ng pamunuan ng San Roque Power Corporation na wala pang anupamang senyales ng pagpapakawala ng tubig sa naturang dam.

Ayon kay Tom Valdez, ang Vice President for Corporate Social Responsibility ng San Roque Power Corporation, hindi sila basta-basta na nagpapakawala ng tubig sa magdamagang pag-ulan lamang lalo na kung hindi naman lumagpas sa maximum level ang taas ng tubig sa dam

Sa ngayon kasi ay nasa 260.46 meters above sea level pa ang taas ng tubig sa naturang dam at halos walang pinagbago ang lebel nito bago pa man tahakin ng bagyong karding ang lalawigan ng Pangasinan.

--Ads--

Aniya, ang naturang lebel ng tubig sa naturang dam ay malayo pa sa maximum level ng dam na nasa 280 meters above sea level at inflow na nasa 500 cubic meter per seconds.

Ito umano ang sinusunod nilang mandato mula sa national power corporation.

Sa magdamag, bagaman ramdam ng mga Pangasinense ang malalakas na hingin at panaka-nakang ulan, hindi umano ito nakaapekto sa volume ng tubig mula naman sa taas ng bundok.

Sa kaalaman ng ating mga tagapakinig, kung magpapakawala man ng tubig ang naturang dam, ang madaanan ng maipapakawala nito ay ang bahagi ng Agno River na nadaraanan ng ilang bayan sa probinsya ng Pangasinan gaya na lamang ng mga bayan ng San Manuel, Asingan, Sta. Maria, Rosales, Sto. Tomas, Alcala, Bautista, Bayambang, Mangatarem, Urbiztondo, Aguilar, at Bugallion.