DAGUPAN, CITY – Kinakailangan munag umabot ng 50 percent ang maituturok na booster shot kontra COVID-19 sa total population sa lalawigan ng Pangasinan bago tuluyang magkaroon ng posibilidad ng pag-aalis ng paggamit ng face mask.

Ito ang pagtataya ni Dr. Anna Marie de Guzman, ang Provincial Health Officer ng probinsya hinggil sa mainit na usapin sa pag-alis na ng pasusuot ng face mask dahil sa pagbaba ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay de Guzman magiging posible ito kung makikipagtulungan ang mga mamamayan upang mapataas pa ang booster shot rate sa lalawigan dahil sa ngayon ay nasa 21 percent pa lamang ito.

--Ads--

Aniya, bagaman sang-ayon sila sa rekomendasyon ng IATF na opsyonal na lamang ang paggamit ng face masks sa mga lugar na hindi matao at open spaces, ngunit dapat na ang isang LGU ay may mataas dapat na antas ng bilang na ng nabakunahan.

Iba pa rin umano ang pagsusuot ng facemask at pagpapaturok ng bakuna laban sa naturang sakit upang maiwasan ang malalang epekto nito sa isang indibidwal.

Hindi rin umano nila inirerekomenda ang pagtatanggal ng facemask sa mga immunocompromise individual, mga sumasakay sa mga public utility vehicles, at mga nagtutungo sa mga malls.

Sa ngayon, patuloy naman ang panawagan ni De Guzman sa mga Pangasinense na makibahagi sa isinasagawang Pinaslakas vaccination activity ng pamahalaan na makakatulong para naman mapababa ang kaso ng COVID-19 at makabalik na sa pagpapaunlad ng ekonomiya ang bansa.