Kinakalampag ng grupong PISTON ang pamahalaan na gumawa ng kaokolang hakbang ukol sa nakaambang malakihang taas presyo sa produktong petrolyo sa ngayong linggo.
Ayon kay George San Mateo – President Emeritus ng PISTON , hindi na katanggap tanggap ang walang tigil na pagtaas sa presyo ng langis dahil tinutulak nito pataas ang inflation rate kaya lalong tataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Giit ni San Mateo na mabigat agad ang tama nito sa mga jeepney drivers dahil kabawasan na naman sa kanilang kita.
Kailangan aniyang magkaroon ng kontrol ang gobyerno sa industriya ng langis at presyuhan sa pamamagitan ng pagsuspindi sa oil regulation law.
Nabatid na tinatayang aabot sa P6.30 hanggang P6.60 ang halaga ng madadagdag sa kada litro ng diesel. Habang posible namang tumaas naman sa P2.50 hanggang P2.80 ang presyo sa kada litro ng gasolina.
Paliwanag ng Oil Industry Management Bureau ng Department of Energy, ang naturang pagtaas ng presyo sa langis ay dulot ng pagtaas ng demand sa mga northern hemisphere countries, pagbabawal ng European Union sa Russian oil, at gayundin ang mataas na oil demand sa China dahil sa gumagaang lockdown doon.










