Patay ang isang miyembro ng Special Action Force mula dito sa lalawigan ng Pangasinan na umawat lamang sa isang komosyon matapos itong pagtulungan bugbugin sa isang peryahan sa bayan ng Mapandan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt. Jesus Flores – Deputy Chief of Police ng Mapandan PNP nakabakasyon lamang sa kaniyang trabaho ang biktimang si Pat. Robert De Vera Jr. 29 anyos, SAF member na nakabase sa Masbate na residente naman ng Brgy Luyan Mapandan.
Sa kanilang imbestigasyon, nasa peryahan ang biktima kasama ang isa nitong kaibigan nang mapansin nito ang isang komosyon sa loob ng peryahan.
Dahil sa isa itong pulis, namagitan ito sa naturang komosyon. Nang magpakilala umano itong isang pulis, tatlong kalalakihan na empleyado ng peryahan ang lumapit rito at pinagtulungan siyang bugbugin.
Sa ngayon ay naisampa na rin ang kaso laban sa mga suspek na agad tumakas matapos ang insedente.
Nagawa pa itong madala sa Manpandan Community Hospital nang kaniyang kaibigan ngunit ideneklarang dead on arrival.
Napag-alaman na 2018 nang mag-umpisa itong maging isang pulis at matagal na nadestino sa ibang lugar.
Naulila ni De Vera ang 2 nitong mga anak at kaniyang kinakasama.