Panibagong record high heat index ngayong taong 2022 ang naitala sa lungsod ng Dagupan na umabot ng 54.39°C na nasa Extreme Danger Category kahapon Abril 22 ng alas dos ng hapon.
Ayon kay Jun Soriano mula sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) Dagupan naidatos naman sa 36.4°C ang maximum temperature at 68% Humidity.
Aniya na dahil nasa kalagitnaan pa rin ang bansa ng dry season ay aasahan ang pagpapatuloy ng maalinsangan at mainit panahon.
Ilang bahagi rin umano ng bansa ang nakakaranas ngayon ng mainit na temperatura tulad na lamang ng lungsod ng Tuguegarao.
Patuloy naman ang panawagan nito sa publiko na kung maaari ay iwasan ang pagtratrabaho sa ilalim ng sikat na araw at paglabas ng kanilang mga tirahan tuwing sumasapit ang alas nuebe ng umaga hanggang alas kuwatro ng hapon.
Magdala rin umano ng mga panangga sa init upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng tag-init tulad na lamang ng heat stroke.
Gayunpaman dahil aniya sa mga localized thunderstorms ay makakaranas ang lungsod ng panaka-nakang pag-ulan pagsapit ng hapon o gabi.
Ang heat index ay ang human discomfort index na nagbibigay ng “maliwanag” na temperatura o kung ano ang nakikita o nararamdaman ng tao bilang temperatura na nakakaapekto sa kanilang katawan.