DAGUPAN CITY–Pinaalalahanan ng otoridad ang publiko hinggil sa panghuhuli ng ahas matapos na masawi ang tinaguriang ‘Boy Ahas’ ng Pangasinan mula sa brgy. Lanas sa bayan ng Mangaldan makaraan itong kagatin ng cobra.
Ayon kay Dr. Josh Ortiz, Medical Officer III ng Mangaldan RHU na siya ring rumesponde sa biktimang si Bernardo Alvarez, nadatnan na lamang umano nilang maputla na ang bangkay ng biktima na posibleng nasa 10-15 minuto nang walang buhay.
Sa kanilang pag-responde ay nakitaan na ito ng dugo at pagbula sa kaniyang bibig na maaaring dahil umano sa pagkakatuklaw ng pinaniniwalaang Philippine Cobra sa kaniya mismong bibig.
Ayon naman umano sa mga nakasaksi, posibleng hinalikan nito ang ahas dahil isa ito sa kaniyang gawain kapag nakakahuli ng ahas.
Ang naturang cobra ay pinatay naman umano ng mga taong naroon matapos ang insidente.
Hindi pa naman matukoy kung ito ay nasa impluwensiya ng alak bago halikan ang nabanggit na ahas.
Sa ngayon, dinala na ang labi nito sa isang punerarya sa Brgy. Cayanga, San Fabian.
Samantala, ito ang kauna-unahang kaso ng pagkaka tuklaw ng ahas na naitala sa nabanggit na bayan.