Muling nagpaalala ang Pangasinan PPO sa mga kabataan na iwasan ang pakikipag eyeball o pakikipagkita sa mga taong hindi kilala o nakilala lamang sa social media dahil sa tumataas na kaso ng panggagahasa sa lalawigan.
Ito ang naging pahayag ni PMaj Arturo Melchor Jr, ang tagapagsalita ng naturang ahensiya, ukol na rin sa bahagyang pagtaas ng mga bagong kaso ng panggagahasa o rape case sa lalawigan.
Kamakailan lamang umano, naitala ang ganitong insidente sa lungsod ng Urdaneta kung saan, isang dalagita ang nakipag-eyeball at nabiktima ng naturang insidente.
Ayon kay Melchor nakilala ng biktima ang suspek sa isang dating site at nang makipagkita umano ito ay nakipag-inuman pa ito sa naturang siyudad.
Pumunta umano sila sa isang motel at doon na isinagawa ng suspek ang panghahalay sa biktima.
Kung kaya paaalala niya sa mga kababaihan na huwag basta basta makikipagkita sa mga indibidwal na hindi nito kakilala lalo na kung nakilala lamang ito sa internet.




