Nagtamo ng sugat sa katawan ang isang tricycle driver matapos itong saksakin ng kaniyang nakaalitang kalaro sa isang sugal sa Dasol.
Nakilala ang biktima na si Randy Salazar, habang ang suspek naman ay kinilalang si Danny Castro, 50 anyos, na parehong mga residente sa naturang lugar.
Lumalabas sa imbestigasyon, ayon sa isang witness ang biktima at ang suspek ay naglalaro ng lucky nine sa isang lamay sa nabanggit na barangay ng bigla na lamang nagkaalitan ang mga ito dahil sa kanilang mga taya at napanalunan sa sugal. Sa mga pagkakataong iyon ay umalis umano ang suspek at nagtungo sa kaniyang bahay, ngunit pagbalik nito sa lamay ay mayroon ng dala dalang kutsilyo at biglang sinugod ang biktima at sinaksak ito ng isang beses sa kaniyang tiyan.
Agad na itinakbo ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan upang malapatan ng paunang lunas habang ang suspek naman ay tumakas matapos ang insidente.
Sa follow up operation naman ng kapulisan ay narekober sa crime scene ang kutsilyo na ginamit na panaksak ng suspek habang wala naman ang suspek sa bahay nito ng magtungo doon ang mga otoridad.
Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang hot pursuit operation para sa posibleng pagkakadakip sa suspek.
Samantala nakikita namang motibo sa insidente ay ang naging alitan at sagutan ng suspek at biktima sa naganap na sugal sa nabanggit na lamay. // Report of Bombo Marianne Esmeralda