DAGUPAN, CITY— Inaalam pa sa ngayon ang motibo sa pagpatay sa isang ginang na negosyante matapos pagbabarilin habang papasok sa kaniyang bahay sa Purok 4 ng Barangay Sancagulis sa bayan ng Bayambang.

Ang biktima ay natukoy na si Alpha Frias Cayabyab, 35 anyos habang iniimbestigahan pa ang pagkakakilanlan ng suspek sa pamamaril.

Sakay ang biktima sa minamaneho niyang motorsiklo habang papasok sa kanyang bahay nang pagbabarilin ng maraming beses gamit ang hindi pa tukoy na calibre ng baril ng mga nakatakas na suspek na lulan ng motosiklo at tumakas patungo sa hilagang direksyon.

--Ads--

Nagtamo ng mga tama ng bala ng baril ang biktima sa iba`t ibang bahagi ng katawan na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.

Nagsagawa ng dragnet operation ang tauhan ng Bayambang PS para sa posibleng pag-aresto sa suspek.

Ginawa ang koordinasyon sa Lingayen Crime Laboratory upang maproseso ang pinangyarihan ng krimen.