DAGUPAN CITY – Dumarami pa ang mga naaarestong indibidwal na sangkot sa pamemeke ng travel documents sa mga itinalagang border control checkpoint sa bayan ng Rosales.
Pinakahuli dito ang dalawang guro na tubong Nueva Ecija lulan ng isang commuter van na arestado matapos magpresenta ng peke at hindi awtorisadong medical certificates sa PNP Quarantine control point na nasa boundary ng Nueva Ecija-Pangasinan partikular sa Barangay Salvacion sa bayan ng Rosales.
Nahaharap ang mga nahuling guro na kinilalang sina Jovinel Fonacier, 29 anyos at Jomar Graganza, 28 anyos na kapwa residente ng Guimba, Nueva Ecija, sa kasong paglabag sa Article 172 o Falsification by Private individual and use of Falsified Documents sa ilalim ng Revised Penal Code alinsunod sa Omnibus Guidelines para sa implementasyon ng community quarantine sa bansa.
Ayon sa imbestigasyon, naharang sa naturang PNP quarantine control point ang dalawang guro upang berepikahin ang kanilang travel documents subalit kalaunan ay nadiskubreng inedit lamang ang kanilang ipinakitang medical certificates.
Kaugnay nito, inamin naman ng mga suspek na nakuha nila ang mga pekeng medical certificates na ginawa ng nagngangalang Neri Cariño ng Guimba, Nueva Ecija.
Samantala, napatunayan namang tunay ang travel authority na walang lagda na ipirinisenta ng mga nasabing indibidwal batay sa pagberipika mula sa Guimba, Nueva Ecija.
Kung matatandaan, ang mga travel documents gaya ng travel authority at medical certificates ay kailangang iprisenta kapag lalabas at papasok ng probinsiya ng Pangasinan sa ilalim ng mas pinalawig na MGCQ. (with reports from Bombo Everly Rico)