DAGUPAN CITY– Mahigpit ang paalala ng Commission on Higher Education o CHED Region I na bawal ang pagpasok ng mga estudyante ngayon sa mga Higher Education Institutions (HEIs), maging ang pagsailalim ng mga ito sa On-the-Job Training.
Ayon kay CHED Region I Director Rogelio Galera Jr., hindi pinapayagan ang pagpunta ng mga estudyante sa mga eskwelahan hangga’t walang inilalabas na guidelines ang kanilang tanggapan sa limited face to face setting.
Giit nito na sa ngayon ay may ugnayan na rin ang kanilang komisyon sa IATF at sa Department of Education para sa nabanggit na guidelines subalit inamin naman nito na maaaring abutin pa ng Enero sa susunod na taon bago tuluyang magawa ang limitadong face to face settings sa mga HEIs.
Kaugnay naman ng ilang ulat na mayroong ilang mga paaralan na nakitaan ng presensya ng kanilang mga estudyante, sinabi ni Galera na marahil ito ay dahil sa distribusyon ng mga modules o di naman kaya ay enrollment, bagamat hinihikayat nito ang mga pamunuan ng mga eskwelahan na humanap ng mga paraan upang hindi na mangailangan pang pumunta ang mga estudyante sa kanilang mga paaralan.
Halimbawa na lamang dito ang remote enrollment kung saan ang mga eskwelahan na ang nagpupunta sa mga munisipyo para iproseso ang pag-enroll ng mga mag-aaral.
Samantala, napansin naman ni Galera ang pagiging innovative o maparaan ng mga HEIs sa rehiyon kung saan ilan sa mga ito ang nakipag-ugnayan sa mga LGU at maging sa mga SK Officials upang may makatuwang sa pamamahagi ng mga modules.
Sinabi rin nito na sa kabila kasi ng pagkakaroon ng online learning component ng blended learning, mayroon paring mga modules ang mga estudyante at sa katunayan, nasa 90 percent ng mga unibersidad at kolehiyo sa rehiyon ang gumamit parin ng modules.
Sa gitna naman ng pandemya, mayroon paring mga over subscribed na mga kurso, gaya ng Food Education, Business education, at Information Technology.
Ayon kay Galera, ang mga ito ay tinawag na over subscribed courses dahil kailanman ay hindi nawawalan ng enrollment.
Sa usapin naman ng On-the-Job Training ng mga estudyante, mariing sinabi ng CHED official na bawal parin ito ngayong semestre at sa katunayan, nagkaroon na sila ng request sa mga HEIs na baliktarin muna ang kanilang mga ituturong subjects upang mapunta ang OJT component sa panahon kung kailan maaari nang makagalaw ng malaya ang mga bata.
Paliwanag nito, mapanganib kung papayagan ang mga estudyante na magkaroon ng OJT ngayon kaya naman naisip din nilang imungkahi sa mga paaralan na unahin na lang muna ang mga Theoritical na parte ng kanilang leksyon at sa susunod nang semestre ang kanilang OJT.