Makikibahagi ang Makabayan bloc sa mga programa at paggunita sa Martial Law ngayong araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Alliance of Concerned Teachers (ACT) Partylist Rep. France Castro, kasama ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) kaninang umaga ay nanggaling ang mga ito sa Bantayog ng mga Bayani kasunod naman ng mga programa ngayong hapon sa University of the Philippines (UP) hinggil sa pag-alala ng mga nangayri noong panahon ng Martial Law.
Kaugnay nito, bagaman aniya sa mga libro ng kasaysayan ngayon ay makikitang binabanggit na sa panahon ng Martial Law ay mayroong mga magagandang naidulot ito dahil displinado ang publiko, walang mga protesta, at tahimik lamang ang komunidad, ibinahagi rin ni Castro ang kaniyang karanasan sa naturang panahon.
Aniya, napakarami umanong mga sundalo noon, marami ring mga tao ang nanlalaban o hindi sang-ayon at dahil malapit lang aniya ang kanilang tahanan sa Malacañang ay dinig nila ang mga putok ng baril at amoy ng tear gas, pagpapakita ng ilang halimbawa ng karahasan at paglabag sa karapatang pantao ng mismong masa.
Kaya’t mungkahi nito dahil tinuturuan naman ang mga mag-aaral ngayon na maging kritiko, ay dapat timbangin mabuti at maging mapanuri sa mga totoong nangayri sa nabanggit na panahon.
Samantala, hati ang opinyon ng mga tao hinggil sa Martial law ngunit tanging ang mga naka-saksi lamang sa panahon na iyon ang makakapagpatunay kung ano ang mga totoong nangyari.
Ito ay may kaugnayan sa ika-48 na anibersaryo ng paggunita sa Martial Law magmula taong 1972.
Ani Castro sa panahong nasambit, umunlad ngang tunay ang ekonomiya ng bansa at napakarami ring proyektong imprastraktura.
Ngunit lumobo rin ang utang ng bansa na siyang hanggang ngayon ay atin pa ring binabayadan.
Kaugnay nito ay marami ring naruyakan ang karapatan pantao kaya’t ganoon na rin ang nanlaban para rito.
Kayrami rin aniyang pinatay at kinulong na mga kababayang Pilipino.
Dagdag ni Castro na talagang marami ang sumusubok na baguhin kung ano ang tunay na nangyari sa kasaysayan gaya na lamang ng panukalang gawing Marcos Day sa Ilocos Norte ang ika-11 ng Setyembre upang ipagdiwang ang kaarawan ng dating pangulo ng Pilipinas, na si Ferdinand Marcos, na siyang may pakana ng Martial law, na mariin namang hindi sinasang-ayunan ni Castro.
Aniya, dapat umanong matuto ang mamamayang Pilipino at paniwalaan lamang kung ano sa tingin nila ang mga totoong nangyari.