Pinabulaanan din ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Pangasinan ang pag depensa ni Dr. Shiela Marie Primicias, Schools Division Superintendent ng DepEd Schools Division Office (SDO) Pangasinan I sa mga alegasyon ng korupsyon laban sa kaniya.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Hon. Von Mark Mendoza, 2nd District Board Member, bagaman itinanggi umano ni Primicias na ito ay direktang humaharap at nagbebenta sa kaniyang nasasakupang public schools, batay sa pagbeberipika ng SP sa mga SDO na nasasakupan ni Primicias ay direkta naman umano itong nagbibigay ng mga instruksiyon sa pamamagitan ng kaniyang Public School Division Supervisors patungkol sa pagre-require nito sa pagbili ng flashdrives mula sa kaniya ng mga Principal at mga guro.
Kaya’t dagdag ni BM Mendoza na taliwas ito sa naging pahayag ni Primicias, dahil hindi rin umano nito itinanggi sa kanilang pagpupulong ang naturang paglalako sa mga guro, bagkus kaniya pa umano itong jinustify.
Matatandaang ang mandatory na pagbili ng flashdive ng mga guro mula sa kaniya, isyu patungkol sa tumbler ng mga atleta sa R1AA at paggamit ng Quipper sa isasagawang mga webinars o maging online classes ay ilan lamang sa mga isyu na ipinupukol kay Primicias na kaniyang nauna nang pinabulaanan.
Napag-alaman ding ang ilan sa mga reklamo nilang natatanggap laban kay Primicias ay noon pa lamang umanong nasa dibisyon siya ng lungsod ng San Carlos.
Tila umano same template rin aniya ng korupsiyon ang ginagawa ni Primicias sa buong DepEd Division I ngayon.
Ani Mendoza batay sa nabasa nilang reklamo ay nagpatayo umano si Primicias ng kooperitba (CO-OP) noong siya pa lamang ay nasa siyudad ng San Carlos na siyang buwan-buwan ay may kailangang bilhin ang mga guro roon.
Dagdag pa ni Mendoza na ngayong si Primecias ay nasa Pangasinan Division I na, ay ganito rin ang kaniyang ginawa, nagpatayo ng CO-OP.
Aniya, ito ay nakalulungkot na mangyari ngayong panahon ng pandemiya lalo pa’t may hinaharap na pagbubukas ng klase.
Kaugnay nito, hinihintay na lamang nila ang positibong tugon ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang rekomendasyong i-transfer si Primicias, dahil sa paniniwalang galit ang Pangulo sa korupsyon.