DAGUPAN CITY–Pinag-iingat ngayon ng Pangasinan Police Provincial Office ang publiko kaugnay sa ilang modus na umiiral partikular na ang pag-aalok ng mga pribadong sasakyan na nag hahatid-sundo sa labas ng lalawigan.

Nabatid kay Pangasinan Police Provincial Director P/Col. Redrico Maranan, nakarating na sa kanilang tanggapan ang ganitong taktika ng ilang mapag samantalang indibidwal kayat mas lalo nilang binibigyan ng babala ang taumbayan.

Hanggat maaari ayon kay Maranan, huwag tangkilin ang ganitong alok dahil mas lalong magdudulot ng aberya sa mga pasahero.

--Ads--

Kamakailan lamang aniya ay mayroon silang nahuli na nagsagawa ng nabanggit na modus operandi galing ng Manila.

Nagpopost ito sa facebook at nagsasabing kaya nitong maghatid papuntang Pangasinan sa halagang P3,000 hanggang P4,000.

Pero pagdating dito sa ating probinsya, ang nagiging sistema, ay hindi naman talaga nila inihahatid ang kanilang mga pasahero sa mismong bahay o uuwian bagkus ay iiwanan lamang nila ang mga ito sa boarder dahil alam nilang hindi sila makakalusot sa checkpoint.

Imposible aniya na makalusot ang mga ganitong kalakaran dahil 3 security checks ang dapat muna nilang pagdaanan.

Una, sa mga boarder control checkpoint na, pangalawa sa municipality and city quarantine checkpoint at panghuli sa barangay level.

Giit ni Maranan, ang sinumang maarestong violator ay maaaring sampahan ng Article 151 o Disobedience o ang pagsuway sa legal na kautusan ng mga otoridad.

Pangasinan Police Provincial Director P/Col. Redrico Maranan