DAGUPAN CITY– Aminado ang Municipal Agriculture Office ng San Fabian na nagdudulot na rin ng pagkabahala sa kanila na hindi makapagsagawa ng blood sampling sa ilang baboy na namatay kamakailan sa kanilang nasasakupan dahil sa kakulangan sa pondo para dito dahil ang pondo sana na pwedeng magamit ay halos nagamit na rin sa pagtugon sa pagsugpo kontra covid 19.

Sa naging bahagi ng pahayag ni Juan Juguilon, Agriculture Officer ng San Fabian, bagamat patuloy ang kanilang monitoring ay nagdudulot narin umano minsan ng kalituhan sa kanila ang mga impormasyon kaugnay sa mga namamatay na baboy sa ibat ibang mga barangay sa kanilang nasasakupan ngunit hindi naman umano makumpirma na African Swine fever o ASF ang ikinamatay ng mga baboy dahil sa hindi makapagsagawa ng blood sampling.

Kaya naman bilang alternatibo munang pamamaraan ay pinapayuhan nila ang mga backyard hog raisers na agad na isailalim na lamang sa culling ang mga baboy upang hindi na posibleng pagsimulan ito na kumalat ang virus kung magkataon man na positibo ang mga ito.

--Ads--
Juan Juguilon, Agriculture Officer – San Fabian

Samantala, naghigpit na rin umano sila pagdating sa mga nakakapasok na mga baboy sa kanilang bayan at kung galing ito sa ibang mga munisipalidad o siyudad ay hindi na nila pinapayagan pa na maipasok o maibagsak ito sa bayan ng San Fabian bilang parte ng kanilang pag iingat kontra ASF.