DAGUPAN CITY– Dalawang frontliners na taga-Dagupan ang pinayagan nang lumabas mula sa ospital matapos silang maka-recover mula sa Covid-19.

Subali’t sa kanilang paglabas, isa namang taga-Barangay Caranglaan ang naitalang bagong kaso ng Covid-19 sa lungsod, ayon kay Dr. Ophelia Rivera, ang Covid-19 focal person.

Isa sa mga frontliners ay ang 35-taong-gulang na babaeng taga-Barangay Bonuan Binloc.

--Ads--

Siya ay na-discharge mula sa Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC) sa San Fernando City, La Union, kung saan siya na-confine mula noong Hulyo 19.

Ang isa naman ay ang 33-taong-gulang na lalaking taga-Barangay Bolosan.

Siya ay na-discharge mula sa Region 1 Medical Center, kung saan siya na-confine mula noong Hulyo 16.

Ang bagong kaso ng Covid-19 sa lungsod ay isang 42-taong-gulang na babaeng na-expose sa isang confirmed Covid-19 case.

Siya ay na-swab para sa kanyang specimen noong Hulyo 27 at ang sample ay ipinadala sa ITRMC.

Sa laboratory test result na natanggap ng City Health Office (CHO) noong Hulyo 29, ang babae ay positibo sa SARS-CoV-2, ang strain ng virus na nagdudulot ng sakit na Covid-19.

Bagama’t asymptomatic, siya ay naka-confine na ngayon sa R1MC.

Nagsagawa na rin ng contact tracing ang mga kawani ng CHO at Department of Health.

Sa ngayon, may 40 nang confirmed Covid-19 cases sa lungsod mula noong Marso, kung saan 31 na ang gumaling at dalawa ang nasawi.
Kasalukuyan namang naka-confine sa ospital ang pitong active cases.

Muli namang nanawagan si Mayor Marc Brian Lim sa mga mamamayan na sumunod sa mga basic health standards na ipinapatupad ng city government, katulad ng pagsusuot ng face mask at madalas na paghugas ng mga kamay gamit ang sabon at tubig bilang proteksyon mula sa Covid-19 virus.