Umakyat na sa 162 ang kabuuang bilang ng positibong kaso ng Covid 19 sa lalawigan ng Pangasinan kung saan isa ang panibagong nasawi.

Ang mga naitalang bagong kaso ay 32 anyos na lalaki mula sa Brgy. Inerangan, San Carlos City, 32 ayos na lalaki mula sa Brgy. Alac, San Quintin, 50 anyos na lalaki mula sa barangay Banaoang, Sta. Barbara, 30 anyos na babae mula sa San Felipe, San Nicolas, 57 anyos na lalaki mula sa Brgy. Careenan, Dagupan City, 67 anyos na babae mula sa sitio Cabuntonan, brgy. Mangcasuy, Binalonan, 38 anyos na lalaki mula sa brgy. Bobonan, Asingan, 5 months old na sanggol mula sa brgy. Carosucan Norte, Asingan, 51 anyos na lalaki mula sa Brgy. Ruiza Longo, San Fabian, 45 anyos na babae mula sa Brgy. Bonuan Gueset, Dagupan City, 31 anyos na lalaki mula sa Brgy. Villanueva, Bautista.

Ang bagong nasawi ay 69 anyos na lalaki mula sa Brgy. San Jose, Labrador.

--Ads--

Samantala, umabot na sa 705 ang bilang ng Patient Under Investigation (PUI) habang ang PUMs ay nasa 141,403 na.

Dalawang bagong kaso naman ng Covid-19 ang naitala sa lungsod ng Dagupan City .

Ayon kay Dr. Ophelia Rivera, ang Covid-19 focal person ng lungsod, ang mga bagong kaso ay isang 57-taong-gulang na lalaking taga-Barangay Poblacion Oeste at isang 45-taong-gulang na babaeng taga-Barangay Bonuan Gueset.

Ayon kay Dr. Rivera, ang lalaki ay limang beses nang na-ospital mula noong Pebrero dahil sa iba’t-ibang karamdaman.

Siya ay kasalukuyang naka-confine sa isang pribadong ospital dahil sa acute hemorrhagic stroke at community acquired pneumonia.

Noong Hulyo 17, siya ay kinunan ng specimen na isinailalim sa reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test sa Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC) sa La Union.

Sa laboratory analysis na inilabas ng ITRMC, nakita siyang positibo sa SARS-COV-2.

Dahil dito, siya ay nakatakda nang ilipat sa Region 1 Medical Center (R1MC), ang Covid-19 referral center sa Pangasinan.
Ang babae naman ay sumailalim sa RT-PCR test noong Hulyo 18, 2020. At sa resultang inilabas ngayong araw ng Department of Health (DOH) Operations Center, siya ay positibo sa SARS-COV-2.

Ayon kay Dr. Rivera, ang babae ay may travel history sa Metro Manila at sa Baguio City.

Nagsasagawa na ng contract tracing ang mga personnel ng DOH at City Health Office.

Dahil sa mga bagong kasong ito, pumalo na sa 34 ang naitalang confirmed Covid-19 cases sa lungsod simula noong Marso, kung saan 28 ang naka-recover.

Muli namang nanawagan si Mayor Marc Brian Lim sa mga mamamayan na sumunod sa mga ipinapatupad ng lungsod na basic health standards, katulad ng pasusuot ng face mask at paghuhugas ng mga kamay, upang makaiwas sa nakakahawang Covid-19 virus.