DAGUPAN CITY–Nasentensiyahan ng habang buhay na pagkakakulong at multang aabot sa 2 milyong piso ang isang Amerikano dahil sa kasong Large-scale Qualified Trafficking in persons sa Angeles City, Pampanga.

Ang naturang suspek ay kinilalang si David Timothy Deakin mula sa bansang Amerika, kung saan ay pinatawan ito ng Angeles City Regional Trial Court Branch 58 ng mga nabanggit na kaparusahan dahil na rin sa three counts of “large-scale qualified trafficking in persons” noong May 26.

Siya ang kauna-unahang indibidwal na napatawan ng kasong trafficking sa pamamagitan ng pagdinig sa kanyang kaso online, dahil na rin sa kinakaharap ng Pilipinas sa coronavirus disease 2019 pandemic.

--Ads--

Nahuli ang suspek noong April 20, 2017 ng National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Human Trafficking Division (NBI-AHTRAD) mula sa tip ng US Federal Bureau of Investigation (FBI) sa kanyang nirerentahanag bahay sa Angeles City, Pampanga.

Natagpuan mula roon ang kanyang computer hard drives na naglalaman ng mga malalaswang larawan at bidyo ng mga batang biktima nito, mga sex toys, anti drug paraphernalia kung saan ay ibinebenta rin nito sa kanyang mga customers niya kapwa nito foreigner online.

Sa isang pahayag sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na ang pagkakahuli sa suspek ay nagpapatunay umano na ang justice system sa Pilipinas ay umiiral pa rin sa kabila ng krisis na kinakaharap ng bansa dahil sa COVID-19.