DAGUPAN CITY–Unti-unti ng nababawasan o bumababa ang bilang ng mga naitatalang panibagong kaso ng Covid-19 sa buong rehiyong uno.

Ito ay ayon sa kumpirmasyon ni Dr. Rhuel Bobis, Medical Officer 4 ng DOH Field Office 1, sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan .

Aniya ilang araw ng stable ang bilang ng mga kumpirmadong kaso sa rehiyon kung saan as of 5pm kahapon, nananatili sa 63 ang naitatalang kabuuang bilang kaso ng naturang sakit.

--Ads--

Masaya ding ibinalita ng opisyal na 4 na active cases na lamang ang kanilang binabantayan sa ngayon mula sa lalawigan ng Pangasinan at La Union habang 47 naman ang bilang ng mga naka recover at mayroong 12 namatay.

Sa kanilang datos, pinakahuling nairecord na Covid-19 confirmed cases ay mula sa lalawigan ng Pangasinan partikular na sa bayan ng Asingan, walong araw na ang nakararaan at hanggang sa kasalukuyan ayhindi na ito nasundan ng panibagong kaso.

Samantalang pinakamataas pa rin ang naitalang kumpirmadong kaso ng naturang sakit ang probinsiya ng Pangasinan kung saan mayroong 39 cases at 11 mula sa lungsod ng Dagupan.

Sinundan naman ng La Union na mayroong 21 kaso, 2 sa Ilocos Norte at 1 naman sa Ilocos Sur.

Dagdag ni Bobis, kalimitang age group ng tinatamaan ng Covid-19 ay 36-40 taong gulang, mga senior citizen, maging mga kabataan kung saan ang pinaka batang naitala ay isang 3 months old.

Paglilinaw pa ng opisyal na sa ngayon, wala pa namang ebidensya para sabihin na ang Region 1 ay nagkaroon o nakararanas ng second wave ng covid-19 dahil kung tutuusin, bahagya ng bumababa ang bilang ng mga naitatalang panibagong kaso.

Gayunman, hindi din aniya ito nangangahulugan na dapat ng maging kampante ang taumbayan.