Inendorso ng United Pangasinan Information and Communications Technology (ICT) sa mga opisyal ng Provincial at Dagupan City LGU ang NOVID na isang mobile contact tracing application kontra COVID-19.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa pangulo ng United Pangasinan ICT Council na si Ed Casulla, ang NOVID application ay hindi umano kagaya ng ilang contact tracing apps na kailangan pang ilagay ang mga personal na impormasyon gaya ng pangalan, edad, GPS location at contact number.

Ani Casulla, protektado ang data privacy ng user at magiging isang proactive pa nga raw ito dahil pag nakita niyang siya ay nagkaroon ng exposure, maaari na siyang dumulog sa gobierno at sumailalim sa test nang hindi nasasakripisyo ang kaniyang data privacy.

--Ads--

Sa kanila ring pagbubusisi, tanging sound wave o ultrasonic na siyang nade-detect ng mobile phones ang ginagamit ng naturang app upang masukat ang layo mo sa isang tao at kung ikaw ay naging at risk o na-expose sa isangposibleng carrier ng nasabing sakit.

Ito ay hindi kagaya ng Stay Safe app na siyang ineendorso naman ng COVID-19 Inter-Agency Task Force (IATF) sa publiko na gumagamit ng bluetooth at GPS tracker, na siyang kaya pa ring ma-detect ang mga taong posibleng nasa kabilang pader o yaong malayo na sa isang indibidwal.

Samantala, ang nabanggit na mobile contact tracing app ay naimbento ng grupo ng mga designers, mathematicians, computer scientists at physicists na pinangunahan ni Carnegie Mellon University Professor, Po-Shen Loh.

Ang NOVID app ay maaaring mai-download nang libre.