Nakapagtala ng bago pang kaso ng Coronavirus disease dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa bayan ng Lingayen , nagpositibo sa Covid 19 ang isang 58 anyos na babae at isang 73 anyos na lola na may close contact sa unang naitalang kaso ng sakit sa nabanggit na bayan.

Ang parehong pasyente ay nakaramdam ng sintomas noong ika-26 ng Marso at nagpasuri noong ika-31 ng Marso.

--Ads--

Nakatakda namang ilipat sa pagamutan ang dalawa ngayong araw .

Sa bayan naman ng Sto Tomas nagpositibo rin sa sakit ang isang 49 anyos na lalaki na walang anumang travel history sa labas ng lalawigan.

Nakaranas ito ng sintomas ng Covid 19 noong March 18 at naadmit sa Region I Medical Center noong March 28 ngunit nadischarged noong March 30.

Sa ngayon ay naka home quarantine ang naturang biktima.

Samantala kinumpirma naman ni Dagupan City Mayor Marc Brian Lim na mayroon muling nagpositibo sa COVID-19 sa siyudad.

Base sa inilahad nilang impormasyon na ipinaabot ng Department of Health (DOH), ang pasyente ay isang babaeng taga Barangay Bonuan Binloc.

Una itong nakaramdam ng sintomas noong Marso 23 at nagpa-ospital noong Marso 27 sa Region 1 Medical Center (R1MC), kung saan siya ginagamot ngayon at napag-alaman ding may travel history sa Metro Manila, siya na ang ika-limang kaso sa nabanggit na syudad.

Sa ekslusibong panayam naman ng Bombo Radyo Dagupan sa Punong Barangay ng Bonuan Binloc na si Joshua Gonzales, pansamantalang isinailalim sa lockdown ang bahagi ng Sitio China kung saan nakatira ang naturang pasyente.

Dagdag pa ng kanilang Punong Barangay na hindi umano agad sinabi ng nabanggit na pasyente at ng pamilya nito ang tungkol sa kaniyang travel history na nanggaling din umano ito sa Pampanga, hanggang sa pati ang mismong anak nito ay naideklarang Patient Under Investigation (PUI) na rin.