Nagpalabas na ng isang executive order si Pangasinan Gov. Amado Espino III, may kaugnayan sa pagpapatupad ng mga hakbang upang mapanatiling ligtas ang probinsya laban sa sakit na coronavirus disease-2019 (COVID-19).
Sa isang press conference kahapon, inilabas ni Espino ang Executive Order 0012-2020 o “An Order Implementing Preventive and Safety Measures to Address the Threat of COVID-10 in the Province of Pangasinan” kasunod narin ito ng ginawang anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim sa Code Red Sublevel Two (2) ang Code Alert System para sa COVID-19.
Nakapaloob sa naturang EO ang suspensyon ng klase at mga school activities na nakakatawag ng malawakang pagtitipon sa lahat ng antas sa parehong pampubliko at pribado simula Marso 16 hanggang Abril 12. Subalit, paglilinaw nito na may mga hakbang naman na maaaring ipatupad ang mga paaralan upang matapos ng mga estudyante ang kanilang mga requirements.
Kalakip din sa nasabing EO ang pormal ng pagsuspinde sa lahat ng public gathering sa mga barangay, munisipalidad at lungsod katulad nalamang ng mga kapistahan, mga barangay assemblies, reunions, trade fairs, carnivals, balikbayan affairs, concerts, at mga fund raising events.
Hinihikayat din sa naturang EO ang mga nasa private sectors na magpatupad din ng mga preventive at safety measures sa mga work places kabilang na ang pag-monitor sa mga empleyado, at paggamit ng mga health equipment katulad ng thermal scanners.
Inaatasan din sa naturang EO ang lahat ng mass public transportations na mag-implementa ng mga safety measures katulad ng huwag pagpayag sa mga pasahero na mayroon ng above normal body temperatures at nagpapakita ng mga sintoma na katulad sa COVID-19 at agad na isangguni sa pinakamalapit na medical center para sa diagnosis.
Samantala, inihayag naman ng Gobernador na malaking tulong laban sa sakit ang pagkilos ng mga barangay officials dahilan upang hingiin nito ang solidong suporta mula sa mga ito lalo na sa kanilang pagtutulungan sa pagpapatupad ng mga protocols.
Sinupla naman ng Gobernador ang pahayag ng ilang kritiko na tila OA o Over Acting ang naturang hakbang sa pagsasabing dapat ay sobrahan pa nga dapat ng pagtugon upang masiguro ang kaligtasan ng lahat sa probinsya kaysa magsisi sa bandang huli.