Marami ring deserving o karapat dapat na NBA player na puwedeng ipalit sa logo ng NBA.

Reaksyon ito ni dating University headcoach Angel Gumarang sa kahilingan ngayon ng maraming mga fans ni Kobe Bryant ang nais gawin siyang bagong logo ng NBA matapos niyang pumanaw kamakailan lang.

Umabot na sa 1.5 million ang sumali sa petition para palitan ang logo ng NBA.

--Ads--

Tinukoy ni Gumarang ang iba pang nagretirong NBA player.

Gayunman, ipinunto niya na marami ang nagnanais na si Kobe ang ipalit sa logo dahil sa hindi matatawaran na nai ambag niya sa larangan ng NBA.

Samantala, kung siya ang personal na tatanungin, bukod kay Kobe, pabor din siyang pagpilian sina Michael Jordan at Lebron James.

Ang 41-anyos na si Bryant ay isa sa mga ikinokonsiderang greatest NBA players of all time kung saan humakot ito ng kabuuang 18 All-Star sa 20-taong karera nito sa Los Angeles Lakers.

Inakay din ng tinaguriang “The Black Mamba” ang Lakers tungo sa limang NBA championships, at itinanghal bilang NBA Finals Most Valuable Player (MVP) ng dalawang beses, at league MVP noong 2008.

Madaling araw noong Lunes oras sa Pilipinas nang pumanaw si Kobe matapos bumagsak ang sinakyan nitong helicopter sa Calabasas, Los Angeles, California.