DAGUPAN CITY–Bumuo na ng grupo ang PNP Region I na siyang tututok sa binuong Special Investigation Task Group kaugnay sa nangyaring pananambang at pagpatay sa dating PNP Provincial Director ng lalawigan ng Pangasinan na si retired Police General Marlou Chan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Lt. Col. Mary Crystal Peralta , PNP Region I Spokesperson, mismong si Police Brigadier General Joel Sabio Urdunia na ang nangunguna sa imbestigasyon upang agad maresolba ang naturang kaso.

Sa katunayan ayon kay Peralta, may mga persons of interest na silang tinututukan ngunit tumanggi munang tukuyin ang mga ito upang hindi makaapekto sa isinasagawang imbestigasyon.

--Ads--

Mayroon na rin silang mga lead na sinusundan bagamat inihayag nito na nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon.

Police Lt. Col. Mary Crystal Peralta , PNP Region I Spokesperson

Mula sa maaring pinagmulan ng mga suspek hanggang sa execution nang pananambang ay mahigpit nilang iniimbestigahan sa tulong na rin ng mga nakuhang kuha sa mga CCTV footage sa lugar.

Dagdag pa ni Peralta na lahat ng anggulo ay kanilang sisilipin.

Aminado din si Peralta na posibleng planado ang ginawang pananambang sa dating PNP official sa lalawigan. Hiniling naman nito ang pagdarasal at pakikipagtulungan ng publiko sa naturang insedente.

Police Lt. Col. Mary Crystal Peralta , PNP Region I Spokesperson

Nauna rito lulan ng kaniyang kulay orange na pick-up truck si Chan nang ito ay tambangan sa kahabaan ng highway ng barangay Nalsian sa bayan ng Calasiao.

Limang tama ng bala mula sa caliber 45 ang tumadtad sa kanyang sasakyan. Pinaniniwalaang si Chan ang puntirya dahil hindi natamaan ang driber nito.

Nagtamo si Chan ng 2 tama sa leeg at sa dibdib. Agad siyang dinala ng kanyang driber sa hospital pero ideneklarang dead on arrival .

Kung maaalala, nanilbihan siya bilang PD mula 2013 hanggang 2015.

Noong siya pa ang PNP director dalawang beses na ideneklarang persona non grata si Chan sa lalawigan sa pamamagitan ng dalawang ipinasang resolusyon sa Sangguniang Panlalawigan dahil sa hindi umano organisadong pagpapatupad ng batas ang ilang rason kung bakit ipinanawagang bumababa ito sa pwesto kabilang ang ilang insidente ng pamamaril, pagpatay at kaguluhan ang naitala ng pulisya sa probinsiya na kinasasangkutan ng mga riding in tandem.

Sa bisa ng General Order no. 127 itinalaga si Chan bilang Provincial Director ng Pangasinan PNP kung saan may basbas pa umano ito mula sa Regional at National Police.