DAGUPAN CITY–Mariing kinondena ng grupong True Colors Coalition ang nangyari sa isang transgender woman na nakaranas umano ng diskriminasyon sa isang mall sa Cubao, Quezon City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Jhay De Jesus focal person ng grupong True Colors Coalition, nakakalungkot na nangyari ito sa lungsod ng Quezon kung saan mayroong anti-discrimination ordinance.

Dahil dito ay mariin aniya nilang kinokondena ang insidente maging ang pamunuan ng mall dahil sa kakulangan ng sapat na pangaral sa kanilang mga empleyado hinggil sa usaping kanilang sinuportahan kamakailan.

--Ads--

Samantala, aminado naman ito na ang insidente ay hindi maituturing na isang isolated case dahil hanggang ngayon ay nangyayari parin ito sa iba’t-ibang lugar sa mundo lalo na sa mga transgender women.

Magugunitang umani ng batikos ang ginawang pagharang ng janitress ng isang mall sa Cubao sa transgender woman na si Gretchen Custodio Diez nang magtangkang gumamit ng palikuran ng pambabae.

Humingi na rin ng paumanhin ang may-ari ng mall kay Diez at tiniyak na pagsasabihan ang mga empleyado nito.