DAGUPAN CITY– Tiniyak ni Police Lt. Alma Cruz, public information officer ng Pangasinan Police Provincial Office na tumatalima ang mga otoridad sa naging direktiba ni pangulong Rodrigo Duterte na pagpapasara sa mga gaming operations.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Cruz na kasunod ng inilabas na executive order ng pangulo ay agad na nagpatawag ng pagpupulong ang PNP Provincial Director sa lahat ng hepe ng pulisya dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa ngayon ay mahigpit aniyang minomonitor at pinupuntahan ang lahat ng lotto outlet sa lalawigan upang abisuhan silang kailangan nilang magsara.

--Ads--

Giit ng opisyal na kailangan nilang sumunod sa direktiba ng pangulo dahil kung magpapatuloy ang kanilang operasyon ay mapipilitan silang sampahan ng kaso.

Sa ngayon ay wala pa umano silang natatanggap na report na mayroon mga nahuling lumabag sa nasabing kautusan.