Dagupan City – Umabot sa mahigit 28,000 mga libro ang matagumpay na naihatid para sa mga pampublikong paaralan sa bayan ng Manaoag.

Ang nasabing donasyon ng mga instructional material ay nagmula sa Saint Matthew’s Publishing House, na naisakatuparan sa inisyatibo ni Mayor Jeremy Agerico “Doc Ming” B. Rosario upang patuloy na maitaguyod ang kalidad ng edukasyon sa bayan.

Naging katuwang din sa masigasig na pakikipag-ugnayan sa tagapaglathala sina Councilor Merlinda Tantay at ang kanyang asawang si Mr. Michael Tantay.

--Ads--

Kabilang sa mga ipinamahaging materyales ang Workbooks para sa mga mag-aaral sa preschool, Textbooks para sa mga estudyante sa elementarya at Teaching Manuals na magsisilbing gabay at karagdagang suporta para sa mga guro.

Nagtulungan ang iba’t ibang sektor sa bayan upang maihanda at maipamahagi ang mga libro.

Nakiisa din sa pag-aayos at pagbubuhat ang mga miyembro ng One Manaoag Scholars, staff mula sa opisina ng alkalde, government interns, at Criminology interns.

Ayon sa pamahalaang lokal, ang aktibidad na ito ay hindi lamang naglalayong dagdagan ang mga learning resource sa mga paaralan, kundi ipinapakita rin nito ang kahalagahan ng pagtutulungan at pagbibigay-serbisyo sa komunidad, partikular ng mga kabataang scholar ng bayan.