DAGUPAN CITY–‘Higpitan pa ang pagbabantay sa mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC)’.

Ito ngayon nag naging rekomendasyon ni dating Customs port chief ng Manila International Container Port Butch Merrera upang tuluyan ng mawakasan ang isyu ng korapsyon sa nasabing hanay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa dating opisyal, inihayag nito na matutuldukan lamang ang korupsiyon at bulok na sistema ng ahensiya kung pagtutuunan ng pansin ang mga tauhang namumuno rito.

--Ads--

Aniya, sila kasi ang puno’t dulo kung bakit may nagaganap na malawakang korapsyon sa kanilang departamento.

Gawin na lamang aniyang halimbawa ang pakikipagsabwatan sa sindikato ng ilang mga empleyado ng BOC na pawang may mga matataas na posisyon.

Kapalit aniya ng napakalaking halaga ng pera, tinutulungan nila ang mga smugglers na mailusot dito sa bansa ang mga iligal na kontrabando, sa halip na huliin at kumpiskahin.

Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang military takeover sa BOC operations bilang tugon na rin sa korapsyon at drug smuggling allegations sa ahensa.

Matatandaang, inalis si dating commissioner Isidro Lapeña sa nasabing posisyon makaraan itong maakusahan na walang aksyon na ginawa sa kabila nang pagkakapuslit ng iligal na droga papasok ng bansa gamit ang mga magnetic lifters.

Bago kay Lapeña, naalis din sa puwesto bilang commissioner ng BOC si Nicanor Faeldon kasunod naman nang pagkalusot din ng P6.4-billion halaga ng shabu noong Mayo ng nakaraang taon.