Umabot sa labing tatlong mga estudyante sa high school ang nagwala matapos na umano’y sapian ng masamang espiritu sa loob ng kanilang paaralan sa Lingayen, Pangasinan.

Ayon sa mga guro mula sa Estanza National High School sa nabanggit na bayan, nagulat na lamang umano sila ng makarinig ng mga sigaw mula sa isa nilang silid o kwarto.

Nang puntahan, dito ay kanila umanong nakita ang ilang mga estudyante na nakahandusay sa sahig, sumisigaw at nagwawala.

--Ads--

Ibinahagi naman mismo sa Bombo Radyo Dagupan ng isa sa mga diumano’y nasaniban na mag aaral, na itinago na lamang sa pangalang ‘Alyssa’ ang kanilang ginawa bago umano maganap ang malagim na pangyayari.

Kasama aniya ng labing dalawa nitong mga kaklase, napag pasyahan umano nilang linisin ang kanilang silid aralan.

Noong una’y normal pa lahat ng pangyayari hanggang sa isa sa kanilang kamag aral ang kumuha ng asin at holy water at sabay na ibinasbas sa bawat sulok ng kanilang kwarto.

Makalipas lamang ng ilang minuto, bigla na lamang napahandusay ang isang estudyante, nag iba ang boses at tumirik ang mga mata nito.

Sunod namang nanigas ang katawan ng labing dalawang iba pa, kasama na si ‘alyssa’ na aminadong hindi na alam pa ang mga sumunod na pangyayari.

Agad namang nagpatawag ng pari ang pamunuan ng nabanggit na eskwelahan upang mag pray-over at magsasagawa ng bible study sa mga mag-aaral.