Nangangamba ang Samahang Industriya ng Agrikultura sa posibilidad na tuluyan nang makapasok sa bansa ang African Swine Fever o ASF.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay SINAG Chairman Engr. Rosendo So, sinabi nito na kulang na kulang ang restriction o pagbabantay na ginagawa ng mga kinauukulan para hindi makapasok sa bansa ang mga pork products mula sa mga bansang apektado ng nasabing virus.
Ayon kay So, noong buwan pa ng Pebrero nito sinabi na dapat ay mailagay na ang bio security sa mga paliparan at pantalan sa bansa ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin ito.
Tinukoy pa ni So ang ilan pang problema na kanyang nakita sa mga point of entries na pwedeng daanan ng mga apektadong karne. Aniya, nalaman nito na apat na oras lamang maaaring mag-inspeksyon ang mga aso dahil madaling mapagod ang mga ito. Napansin din ni So na walang chemical na nakalagay sa mga mat sa mga paliparan dahil wala umanong pondo para rito.
Mababatid na nasa 18 bansa na ang mayroong ban sa mga pork products sa Pilipinas kabilang na ang North Korea, Laos, Vietnam, Zambia, South Africa, Czech Republic, Bulgaria, Cambodia, Mongolia, Moldova, Belgium, China, Hungary, Latvia, Poland, Romania, Russia at Ukraine.