DAGUPAN CITY — Patay ang dalawang katao habang sugatan ang isa pang binata matapos ang karambola ng apat na sasakyan sa bayan ng Binalonan, Pangasinan.


Ayon sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Dagupan, naganap ang aksidente sa bahagi ng Tavera St., Brgy. Poblacion, sa nasabing bayan matapos na mawalan ng kontrol sa pagmamaneho ang driver ng isang Hilux pick up na kinilalang si Christopher Tomboc, 37 anyos, na residente din sa nasabing lugar na nagresulta upang mabangga din nito ang mga kasunod na sasakyan na kinabibilangan ng isang dilaw na truck na minamaneho ng isang Arman Bankado, 27 anyos, at residente ng Brgy. Sinakbat, Bakon, Benguet; isang asul na kotse na minamaneho noon ni Ianne Harveye Rhed Calaguin, 24 anyos, na residente naman ng Brgy. Balligi, Laoac; gayundin ang isang tricycle na minamaneho ng isang senior citizen na si Villamor Nagtalon, 63 anyos, na residente ng Andres Bonifacio, Diffun, sa lalawigan ng Quirino.


Dahil sa lakas ng aksidente, tumilapon ang driver ng tricycle na si Nagtalon na nagresulta sa pagkamatay nito at ng isang pang hindi pa nakikilalang lalaking pedestrian na kapwa ideneklarang dead on arrival.

--Ads--


Habang ang isa pang sakay ng tricycle na kinilalang Jonel Nagtalon, 19 anyos, na residente ng Brgy. Sto. Niño, Binalonan, ay sugatan din dahil sa insidente.


Nabatid na lahat ng sasakyan ay nagtamo ng matinding pinsala at inaalam pa ang danyos.
Habang ang driver ng Hilux na si Tomboc ay nasa kostudiya na ng kapulisan at inaalam na kung sasampahan ito ng kaso o idadaan nalamang ang aksidente sa areglo.