Nahaharap sa kaukulang kaso ang isang senior citizen na nanuhol sa isang empleyado ng korte matapos maaresto ng mga otoridad sa entrapment operation sa isang fastfood chain sa kahabaan ng AB Fernandez sa lungsod ng Dagupan Pangasinan.

Sa impormasyon mula sa Dagupan City PNP, bago ang operasyon ay nagtungo sa kanilang himpilan ang complainant na nakilalang si Melvin Cabrera, 37 anyos, Clerk-in-Charge of Civil Cases ng RTC-1 Branch 44 na nakabase din sa lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad ay napag-alaman na tinatangkang suhulan ang complainant ng suspek na nakilalang si Socorro Aquino, 62 anyos, at residente ng Bonuan Gueset.

--Ads--

Ang pagbibigay umano ng suhol ng suspek ay kapalit ng isang dokumento na nais nitong makuha mula kay Cabrera.

Dahil dito ay sumang ayon siyang makikipagkita kay Aquino .

Dito na siya humingi ng tulong sa kinauukulan na nagsagawa naman ng operasuon dahilan ng pagkakaaresto kay Aquino habang iniaabot nito ang pera na nagkakahalaga ng tatlong libong piso.

Depensa naman ng suspek, kumukuha lang siya ng kopya ng resolution na ibinaba ng judge sa kasong kinasangkutan niya noong 1988.

Ayon sa PNP, kung kailangan ng kopya ng suspek mula sa korte ay makakakuha naman siya by request at hindi kailangang manuhol ng empleyado na maglalabas ng dokumento.