Pabor ang pamunuan Mangaldan National High School, sa muling pagbuhay sa mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) para sa mga nasa Grades 11 at 12.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Dr. Leo Blaquir, principal ng Mangaldan National High School, na pabor ito sa naturang hakbang dahil kaniyang nakikita na para ito sa social development ng isang estudyante na makakatulong sa kanilang paglabas sa mga paaralan.

Una rito lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara sa botong 167 na yes at 4 na no, pumasa ang House Bill no. 8961 na mag-aamyenda sa Republic Act No. 7077 o ang Citizen Armed Forces of the Philippines Reservist Act.

--Ads--

Layunin ng panukala na ipinamumulat sa kabataan ang pagiging makabayan, pagrespeto sa karapatang pantao at pagsunod sa Konstitusyon.

Ituturo rin sa kanila ang pagseserbisyo publiko at ang mga trabaho ng militar, pulisya, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Coast Guard, Department of Health (DOH) at DSWD.

Gayunman, sinasabing exempted sa pagsasanay sa ROTC ang mga estudyante na hindi maituturing na physically o psychologically fit, ang mga dumaan o patuloy pang sumasalang sa military training at ang mga pinili ng eskuwelahan na magsilbing varsity player na pambato sa sports competition.