Umani ng kaliwa’t kanang batikos ang tanggapan ng Comelec habang papalapit ang mismong araw ng 2019 Midterm National and Local Elections.

Hindi naitago ang pagka dismaya mismo ni Provincial Election Supervisor Atty. Erickson Oganiza sa mga akusasyong ibinabato sa kanila tulad na lang ng walang kakayahan di umano sa pag sugpo ng talamak na vote buying at may pinapanigan pang mga kandidato o partido.

Giit nito na hindi madali ang tungkulin na kanilang ginagampanan at hindi din maaaring basta-basta na lamang sila mag bibigay ng mandato sa hanay ng kapulisan o maging sa AFP na i-dispurse ang isang grupo na nagkukumpol kumpulan o pasukin ang isang compound ng walang warrant o search warrant dahil kung sakali man ito’y kanilang ginamitan ng pwersa, malalagay naman sila sa alanganin at maaaring makasuhan ng human rights violation.

--Ads--

Paglilinaw ni Oganiza, tanging written complain na may kalakip na ebidensya ang kanilang kailangan upang maiakyat ang kaso na siyang taliwas naman sa kagustuhan ng mga nagrereklamo kung saan nais nilang makasuhan at i-disqualify kaagad ang isang kandidato.

Aniya, hindi ganoon kadali ang nais ng ilang complainant dahil unang una mayroon naman talaga silang sinusunod na procedure at may hangganan din ang kanilang kapasidad kung saan hindi nila maaaring pasukin at kapkapan ang isang tao na lumabas sa isang compound para palabasin ang perang ibinigay sa kanya.

Tanging panawagan na lamang ng opisyal sa lahat ng mga botante maging sa mga kandidato na sila’y ipagdasal upang magampanan nila ang kanilang mga trabaho sa nalalapit na eleksyon.