Inakusahan ni Alaminos City mayor Arthur Celeste, ang hanay ng PNP at isang Judge dito sa lalawigan ng Pangasinan na nagpapagamit sa pulitika.

Sa ipinatawag nitong press conference, inihayag ng Alkalde na inihahanda na nila ang kasong abuse of authority isasampa ngayong araw laban kay Pangasinan Police Provincial Office (PPO) Director Police Colonel Wilson Lopez, at isang pulis mula sa bayan ng Sual sa Office of the Ombudsman at kasong administratibo naman laban sa isang judge na hindi nito pinangalanan pa.

Nakakalungkot aniya na kahit na naglabas na ng babala si PNP Police General Oscar Albayalde, na huwag makisali sa pulitika ang mga pulis ay mayroon parin aniyang nagagamit dito sa probinsya.

--Ads--

Inihayag pa nito na nag-ugat ang pagsasampa nila ng kaso dahil sa pagsasagawa umano ng kaliwa’t-kanang raid laban sa mga kaalyado nito sa iba’t-ibang panig ng probinsya hindi lamang sa lungsod ng Alaminos o sa una distrito ng lalawigan sa pamamagitan ng search warrant na iisang Judge lamang ang nagpahintulot gayundin ang tila paglalagay ng isang police quarters malapit sa tahanan nito.

Binanggit pa ni Celeste, na wala na siyang magagawa kung nakasanla na ang kaluluwa ni Lopez sa mga Espino kung saan bilang patunay aniya ang mga larawan ng debut ng anak nito subalit hindi aniya ito mananahimik habang ang mga kaalyado nito ay hinaharass na.