Nangangalap ngayon ng pondo ang mga kaanak ng isang pinay mula sa Tarlac na nasawi matapos siyang barilin ng kaniyang dating mister makaraang silang magtalo sa Las Vegas, Nevada para maiuwi ang mga labi nito sa bansa.

Kinilala ang biktima na si Karen Lopez, habang ang dati nitong asawa ay kinilalang si Fernando.

Sa nakalap na impormasyon kasama ni Karen sa sasakyan ang kanilang apat na taong gulang na anak nang komprontahin siya ng dating mister.

--Ads--

Tumigil sa tapat ng isang bahay ang biktima para humingi ng tulong at ipagkatiwala ang anak.

Matapos nito, naganap na umano ang pamamaril ng suspek.

Gumanti naman ng putok ang residenteng hiningan ng tulong ng biktima at pinaniniwalaan na siya ang nakapatay sa suspek.

Isa pang residente umano ang tinamaan ng bala sa balikat.

Napag-alaman na pinagbawalan na ng korte ang mag-asawa na magkita matapos mapawalang-bisa ang kanilang kasal dahil umano sa pagiging abusado at pambababae ng suspek.