Malaking tulong umano upang matunton ang mga suspek sa pagpatay sa isang ginang at 2 menor de edad nitong anak ang ipinadalang mensahe ng biktima sa kaniyang mga kaanak sa San Jose Del monte Bulacan.

Hinihinala ng mga awtoridad na kinutuban na ang ginang na si Jaymee Casabuena 28, nang magpunta sa kanilang bahay ang mga suspek kaya nag-text ito sa kaanak.

Bago ang krimen ay nag-text si Jaymee sa kaanak tungkol sa pagpunta ni Wilson Cortez sa bahay ng mga biktima.

--Ads--

Si Wilson ay kinakasama ng pinsan ni Jaymee kaya kilala siya ng mga biktima.

Nakasaad din sa text ni Jaymee na may kasama pang isang lalaki si Wilson.

Ilang oras matapos ang krimen, naaresto sa follow-up operation ang mga suspek na sina Wilson Cortez at Joselito Cortez.

Una raw naaresto si Wilson sa North Caloocan, at itinuro naman nito ang kasamang si Joselito, na nadakip naman sa Barangay San Manuel sa San Jose del Monte din.

Nakita umano ang itinapon na duguang damit ng mga suspek, pati na ang patalim na ginamit umano sa krimen.

Inamin ng dalawa na pagnanakaw ang pakay nila sa mga biktima pero pumalag daw si Jaymee kaya nila napatay ang mag-iina.

Ang ninakaw na cellphone ng biktima, naibenta lang daw nila sa halagang P200.

Posible rin umanong tinangka pang halayin ng mga suspek ang biktima dahil may nakitang mga “defense wounds” sa biktima.

Matatandaan na Miyerkules ng gabi nang madatnan ng ama ni Casabuena sa bahay ng mag anak ang duguang bangkay ni Jaymee at dalawa niyang anak na edad walo at apat.

Nagtamo sila ng mga saksak sa katawan.