DAGUPAN CITY — Wala nang buhay ng maiahon ang katawan ng isang siyam na taong gulang na lalaki mula sa isang fishpond sa bayan ng Mangatarem dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Kinilala ang biktima na si Kurby Martin Bagabaldo, 9 anyos, isang grade 4 student at residente ng Brgy. Calomboyan Sur sa nabanggit na bayan.

Batay sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Dagupan mula sa mga otoridad, matapos umanong mananghalian ng biktima sa kanilang tahanan ay umalis ito kasama ang isang kaibigan na si John Lester Cao, walong taong gulang, isang grade 3 student na residente rin sa nabanggit na lugar, at nagtungo ang mga ito sa fishpond malapit sa lugar kung saan ay nag-dive umano ang biktima at doon na ito nalunod.

--Ads--

Agad na nakahingi ng tulong ang kasama nito dahilan upang ang isang Gabriel Cristal, 22 anyos, na isang construction worker ay makapagbigay ng saklolo subalit wala na aniyang malay ang biktima na nakuha nito mula sa kailaliman ng fish pond na may lalim na 12 talampakan.

Nadala pa sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima subalit ideneklara na itong dead on arrival.

Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon ng otoridad hinggil sa insidente.