Hindi na ikinagulat ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang ulat ng EDCOM 2 na nagsasabing 87% ng mga mag-aaral sa Grade 11 ay itinuturing na “hindi independent readers” o nahihirapang umunawa sa kanilang binabasa. Sa isang panayam ng Bombo Radyo Dagupan, binigyang-diin ni Ruby Bernardo, National Chairperson ng ACT, na ang numerong ito ay “conservative” pa o posibleng mas mababa kaysa sa totoong kalagayan sa field dahil limitado lamang ang saklaw ng mga ginamit na assessment tools ng DepEd.
Ayon kay Ruby Bernardo, ang krisis sa literasiya sa bansa ay bunga ng dekada nang pagpapabaya ng gobyerno sa sektor ng edukasyon. Aniya, kabilang sa mga pangunahing dahilan nito ang kakulangan sa mga pasilidad gaya ng mga silid-aralan na nagreresulta sa siksikang klase, kakulangan sa bilang ng mga guro at education support personnel, at ang pabago-bagong kurikulum na hindi lapat sa pangangailangan ng mga estudyante at nagpapahirap sa mga guro.
Dagdag pa niya, nananatiling suliranin ang matagal nang kakulangan sa pondo para sa edukasyon dahil, sa kabila ng sinasabing “historic budget” para sa 2026, hindi pa rin umano ito nararamdaman sa kalidad ng pagkatuto at sa pagtugon sa mga batayang pangangailangan ng mga paaralan.
Binigyang-diin din ni Bernardo na 9 sa bawat 10 guro ay baon sa utang at hindi nakakatanggap ng “living wage”. Inirereklamo rin ng grupo ang mga summer program ng DepEd, kung saan ang mga guro ay nag-aabono at walang natatanggap na maayos na kompensasyon kundi “service credits” at sertipiko lamang.
Para sa ACT, maliit na salik lamang ang teknolohiya sa lumalalang krisis sa literasiya, dahil ang ugat umano ng problema ay ang kakulangan ng maayos na learning environment at sapat na suporta para sa mga guro.
Bilang tugon, nananawagan ang organisasyon ng pananagutan mula sa pamahalaan kaugnay ng mga alegasyon ng korapsyon kung saan bilyun-bilyong piso umano ang nawawala habang nananatiling kapos ang sektor ng edukasyon. Iginiit din ng grupo ang pagtaas ng entry-level na sahod ng mga guro sa ₱50,000 sa lahat ng antas. Kaugnay nito, nakatakda ang isang National Coordinated Protest sa Hunyo 8 upang ipakita ang tunay na kalagayan ng edukasyon bago ang susunod na State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo.
Maglulunsad din ang ACT ng “Balik-Eskwela Hotline” sa darating na Lunes upang idokumento ang mga aktuwal na kakulangan sa mga paaralan na, ayon sa grupo, madalas na naitatago o hindi naiuulat tuwing panahon ng pasukan.










