DAGUPAN CITY- ‎Iginiit ni Vice Mayor Constante Agbayani na maayos na naipatupad at malinaw sa publiko ang mga proyektong inilunsad ng lokal na pamahalaan, partikular na ang 8-kilometrong flood control system na sumasaklaw mula Barangay Binday hanggang Barangay Anonang.

Hinati sa limang phase ang konstruksyon ng flood control upang masigurong matatag ang pagkakagawa nito.

Ayon sa bise alkalde, lubos na nagagamit na ito ng mga residente at malaking tulong sa pag-iwas sa pagbaha sa mga apektadong barangay.

‎Kaugnay ng mga reklamo o agam-agam ng ilang residente, bukas umano ang tanggapan ng bise alkalde sa anumang pag-uusap.

Aniya, handa silang ipaliwanag ang mga detalye ng proyekto upang malinawan ang publiko at mapanatili ang tiwala sa pamahalaan ng bayan.

Patuloy din ang pag-monitor sa integridad ng flood control system upang matiyak na mapapakinabangan ito ng pangmatagalan at ligtas sa mga panahon ng malalakas na pag-ulan.

Sa kabila ng mga tanong, nanindigan si Vice Mayor Agbayani na nananatiling bukas, responsable, at hindi tinatago ang mga detalye ng mga isinasagawang imprastraktura sa bayan.

--Ads--