Kasalukuyang binabantayan ang 7 barangay sa lungsod ng Alaminos na nagpositibo at kasalukuyang nasa ilalim ng mahigpit na protocol.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Alfiero Banaag, Chief ng Regulatory Division ng Department of Agriculture – Region I (DA-RFO I), na may aktibong kaso pa rin ng African Swine Fever (ASF) sa Region 1, partikular sa lalawigan ng Pangasinan.

Aniya may walong (8) magsasaka ang kusa nang nagsuko ng kanilang mga alagang baboy matapos magpakita ng sintomas na posibleng may kaugnayan sa ASF.

--Ads--

Saad ni Dr. Banaag ito lamang ang active case sa buong Region 1, ngunit pabalik-balik ang kaso sa mga barangay na dati nang nagkaroon ng ASF.

Ibinunyag naman nito na isa sa mga dahilan ng paulit-ulit na paglitaw ng kaso ay ang hindi naging epektibong paggamit ng disinfectant sa ilang lugar.

May mga pagkakataong hindi tuluyang namamatay ang virus, dahilan upang muli itong maging aktibo sa mga lugar na dating naapektuhan.

Nagpaalala naman ito na bumili lamang ng karne ng baboy at mga produktong baboy sa lehitimo at ASF-free na pamilihan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang DA Region I sa mga lokal na pamahalaan upang mapigilan ang pagkalat ng ASF at masuportahan ang mga apektadong hog raisers sa lalawigan.