Dagupan City – Sa loob ng halos apat na taon, muling ipagpapatuloy ng Pilipinas ang pag-export ng raw sugar sa United States sa susunod na buwan (Agosto.)
Matatandaan na noong Marso ay inanunsiyo ng US Trade Representative na naglaan ito ng karagdagang 25,300 metric tons raw value para sa Pilipinas para sa fiscal year 2024 (October 1, 2023, hanggang September 30, 2024).
Ang metric tons raw value allocation scheme ng US government ay nagpapahintulot sa mga bansa na mag-export ng specified quantities ng isang produkto sa “relatively low tariff.”
Ayon kay Sugar Regulatory Administration (SRA) administrator at CEO Pablo Luis Azcona, ang mga raw sugar ay kailangang dumating sa US sa Setyembre kung kaya isasagawa ang exportation sa Agosto.
Ang planong pag-export ay ipatutupad sa pamamagitan ng isang sugar order, na pagpapasyahan ngayong buwan. Kung saan ang huling shipment ng Pilipinas sa US ay sa crop year 2020–2021, nang maghatid ito ng 112,008 MT ng commercial raw sugar.
Samantala, plano rin ng bansa na umangkat ng 200,000 MT ng refined sugar ngayong taon upang punan ang inaasahang supply gap at matiyak ang price stability ng produkto.
https://pilipinomirror.com/ipagpapatuloy-ng-ph-sa-agosto-pag-export-ng-raw-sugar-sa-us