BOMBO DAGUPAN – Nasawi ang 63-anyos na lalaki sa bayan ng Dasol matapos masangkot ang sinasakyang tricycle sa isang aksidente.
Ayon kay PMSg. Ricky Mamaril, Investigator, Dasol PNP na isang concerned citizen ang nagpaalam sa kanilang himpilan na isang vehicular traffic incident ang nangyari sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Eguia sa nasabing bayan.
Kung saan minamaneho ni Servillano Calizar De Guzman, 63 taong gulang, may asawa, at residente ng Brgy. Bobonot sa parehong bayan habang ang silver na Toyota Hi-Ace ay minamaneho naman ni Jayson Bonode Bona, 39 taong gulang, may asawa, driver, at residente ng Brgy. Gais-Guipe sa parehong bayan.
Lumalabas naman sa inisyal na imbestigasyon na ang sasakyang minamaneho ni De Guzman ay lumiko pakaliwa papasok sa National Road na nagmumula sa kanlurang direksyon mula sa kanyang pinagtatrabahuan nang biglang mabangga ang sasakyang minamaneho naman ni Bona ay bumabagtas sa nabanggit na kalsada patungo sa hilagang direksyon.
Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan si De Guzman at agad na dinala sa Dasol Community Hospital para magamot subalit sa kasamaang palad ay ideneklara itong dead on arrival (DOA) ng kaniyang attending physician, habang si Bona naman ay hindi nasaktan.
Samantala, hindi pa naman matukoy ang halaga ng pinsala ng pagkukumpuni at sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng Dasol PS ang mga ito para sa tamang disposisyon subalit nagkaroon din ng settlement ang dalawang panig.