Dagupan City – Arestado ang isang 57-anyos na lalaki na tinaguriang high value individual matapos makuhanan ng nasa P136,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang operasyon sa Brgy. Estanza, Bolinao.

Kinilala ang suspek bilang isang residente ng naturang barangay at itinuturing na isa sa mga pangunahing supplier ng ilegal na droga sa bayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Captain Rowell C. Isit, Team Leader ng Team 2 PDEG Pangasinan, katuwang ang PDEA Pangasinan, Bolinao PNP, at iba pang law enforcement agencies, nakumpiska mula sa suspek ang 14 na sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.

--Ads--

Dagdag pa ni Capt. Isit, ang suspek mismo ang nagiging source ng mga illegal na droga sa Bolinao, habang ang pinagkukunan ng suplay nito ay mula sa mga karatig-lungsod tulad ng Dagupan, San Carlos, at Alaminos.

Isa sa mga kinahaharap na hamon ng mga awtoridad sa ngayon ay ang patuloy na pagdami ng mga kaso ng iligal na droga sa lalawigan.

Gayunpaman, naniniwala ang kapulisan na malaki ang naitutulong ng information sharing sa pagbibigay-kaalaman sa publiko at sa pagpapatibay ng kampanya kontra droga.

Nanawagan din ang mga otoridad sa publiko na patuloy na maging mapagmatyag, paigtingin ang seguridad sa komunidad, at huwag mag-atubiling magsumbong sa mga kinauukulan sa oras na may makitang kahina-hinalang aktibidad.