Dagupan City – Arestado ang isang 57-anyos na jeepney driver matapos mahulihan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng higit ₱230,000 sa isinagawang buy-bust operation sa Dagupan City.
Ayon kay Police Captain Rowell C. Isit, Team Leader ng Team 2 PDEG Pangasinan, matagumpay na naisagawa ang operasyon noong Pebrero 11 laban sa suspek na itinuturing na high-value individual sa lalawigan ng Pangasinan.
Kinilala ang suspek bilang residente ng Bonuan Gueset, Dagupan City.
Lumalabas sa imbestigasyon na ginagamit umano ng suspek ang kanyang pagiging jeepney driver bilang modus upang maisakatuparan ang ilegal na transaksyon.
Natuklasan din na naaresto na siya noon dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o RA 9165, ngunit ipinagpatuloy pa rin umano ang ilegal na gawain.
Dagdag pa ni Isit kabilang sa mga pangunahing kliyente ng suspek ang mga indibidwal mula sa mga bayan ng Mangaldan at Calasiao, gayundin sa mga kalapit na lugar.
Inamin din umano ng suspek na sa loob mismo ng lungsod niya kinukuha ang suplay ng ilegal na droga.
Patuloy naman ang mas malalim na imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang indibidwal na sangkot at posibleng katuwang sa operasyon ng ilegal na droga.
Samantala, tiniyak ni Isit na ngayong nalalapit ang Araw ng mga Puso at pagtatapos ng klase ng mga mag-aaral, paiigtingin pa nila ang police presence sa bawat bayan upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng publiko. Nagsasagawa rin aniya sila ng mga symposium at information drive upang palawakin ang kaalaman ng mamamayan hinggil sa masamang epekto ng ilegal na droga.










