Dagupan City – Nasawi ang 52-anyos na lalaki matapos barilin ng kaniyang matagal ng kaalitan sa bayan ng Bolinao, Pangasinan.

Ayon kay PCapt. Jayson Orilla, Deputy Chief of Police ng Bolinao Police Station, nakatanggap sila ng tawag sa cellphone mula sa isang concerned citizen upang ipaalam na may nangyaring pamamaril sa Brgy. Ilog-Malino sa parehong bayan.

At pagdating ng kanilang hanay sa nasabing lugar, doon na tumambad ang biktima na si Philip Tombaga, 52-anyos at residente sa nasabing lugar. Agad naman itong dinala sa pinakamalapit na hospital ngunit binawian din ito ng buhay.

--Ads--

Kinilala naman ang suspek na si Jordan Labio, 36-anyos, at residente ng Barangay Ilog-malino sa parehong bayan.
Lumalabas naman sa inisyal na imbestigasyon na kauuwi lamang ng biktima mula sa burol ng Recto CapeƱa sa kaparehong Barangay nang sundan siya ng suspek, hanggang sa binaril ito.

Agad namang nakatakas ang suspek sa pinangyarihan ngunit sa ikinasang hot-pursuit operation ng kanilang hanay ay naaresto ito at sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng Bolinao Police Station, para sa kaukulang disposisyon at nahaharap sa kasong murder.